MAANILA, Philippines – Pasado na sa Ikatlo at huling pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso sa botong 184 na Yes, 2 No at 1 Abstention ang House Bill No. 1206 o ang panukalang batas na naglalayong taasan ang buwis sa alak, vape at e-cigarettes.
Sa ilalim ng panukalang batas magkakaroon ng Ad Valorem Rate na 22% ang mga alcoholic beverages simula sa January 2020. Dagdag ang specific tax rates per proof Liters na 30,35,40 at 45 pesos sa 2023 para sa mga distilled spirits.Tataas pa ng 5% kada taon simula sa 2024.
Inaprubahan rin ang P650 Unitary Rate para sa mga sparkling wines. Habang itinaas rin sa P2.10 ang buwis sa mga stilled at carbonated wines. Papatawan rin ng higit P4 dagdag buwis ang lahat ng alak na mas mataas pa sa 14 percent ang alcohol content. Kasama rin sa inaprubahan ang P2.60 na tax rates para naman sa mga fermented na alak. Sa ilalim ng umiiral na batas,mayroong specific tax na 22.40 ang mga alak. Dagdag pa ang 20% Ad Valorem Tax.
Samantala, ang Sin Tax naman para sa mga heated tobacco products ay magkakaroon ng dagdag na P45 na buwis sa kada pekete ng sigarilyo. Planong ipatupad ito simula sa January 1,2020 at tataas ng P5 bawat taon simula sa 2023. Habang tataas rin ng 5% kada taon pagsapit ng 2024. Kapag naging ganap na batas, epektibo na rin simula sa susunod na taon ang pagpapataw ng P10 dagdag buwis ang kada 10 Mililiter (ML) ng individual cartridge, refill pod o container ng mga vapor products. Kung lalagpas naman sa 50 ml ang content , dagdag na singkwenta pesos na buwis ang ipapataw, at papatungan pa ng sampung piso sa kada 10 Mililiter.
Kabilang sa mga kongresistang bumoto ng no sina Bayan Muna Representative Carlo Zarate at Act-Teachers Partylist France Castro. Sa pananaw ni Congressman Carlos Zarate, sa halip na itaas ang buwis sa alak at sigarilyo, mas makabubuti aniya kung daragdagan na lamang ng pamahalaan ang pondo para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino. Naniniwala naman si Congresswoman France Castro na mas makabubuti kung tuluyan nang ipagbawal ng pamahalaan ang pagbebenta ng alak at sigarilyo kung talagang seryoso anila ang adhikain ng batas na maingatan ang kalisugan ng mga Pilipino.
Duda rin ang kongresista na magagamit sa universal health care program ang pondong malilikom sa dagdag na buwis.. Lalo’t sangkot aniya sa sari-saring isyu ng korupsyon ang Philhealth. Bagaman pasado na sa kamara, kinakailangan pang hintaying matapos sa Senado ang pagdinig sa kaparehong panukala bago mapagpasyahan kung ganap itong gagawing batas.
(Joan Nano | Untv News)
Tags: Kongreso, sigarilyo at alak, sin tax