Panukalang Community Service bilang parusa sa mga quarantine violator, suportado ng DILG

by Erika Endraca | April 7, 2021 (Wednesday) | 1286

METRO MANILA – Inirekomenda ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa Inter-Agency Task Force (IATF) against
COVID-19 na huwag nang arestuhin o iditene at pagmumultahin ang quarantine violators.

Sa halip, dapat ay patawan na lamang ang mga ito ng community service

“That LGUs consider the possibility of imposing na lamang the penalty of community service for those who will continue to violate our ordinances rather than imprison or rather than putting them in jail or fining them, eh kasi talaga ngang mahirap na ang buhay sa ECQ.” ani DOJ Sec. Menardo Guevarra.

Ginawa ni Guevarra ang pahayag dahil sa maraming nahuli at nakasuhan dahil sa paglabag sa quarantine protocols.

Nilinaw rin ni Guevarra na hindi matibay na batayan ang Republic Act 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases para arestuhin ang individual dahil lamang sa non-cooperation.

Enero nitong taon, dinismiss ng DOJ ang kasong isinampa laban kay Senator Koko Pimentel kaugnay sa umano’y quarantine breach dahil sa hindi nito pagreport ng kalagayan ng kalusugan nang magtungo sa makati hospital at kalauna’y natuklasang positibo sa COVID-19.
Sinabi ng Office of the Prosecutor General ng DOJ na hindi sakop si pimentel ng R.A. 11332 dahil hindi ito public health authority.

Ayon pa kay Guevarra, mas maiging legal na basehan sa pagpapatupad ng health protocols ang mga ordinansya sa iba’t-ibang local government units dahil tiyak ang mga probisyon o sinasaad pagdating sa paglabag.

“Yung statutes like mandatory reporting of notifiable diseases meron duong provision on non-cooperation but you know medyo hindi siya shoot na shoot eh, hindi sya talagang very exact to the actual violation.”ani DOJ Sec. Menardo Guevarra.

Pabor naman sa panukalang ito ang Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, maraming pwedeng ibibigay na trabaho sa mga violator para sa ikabubuti pa rin ng LGU o komunidad.

“Kung mamarapatin po ng ating mga konsehal na amyendahan ang kanilang mga ordinansa well it good mas maganda nga po community service na lamang pagtulungin sa barangay maglinis sa kalsada o kaya naman maghakot ng basura kung ano man pong magandang serbisyo na maibigay sa ating mga kababayan na itong mga lumabag sa quarantine protocol “ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Sa ulat ng PNP, noong unang araw ng ECQ sa NCR Plus, umaabot sa mahigit 5,000 ang lumabag na karamihan ay paglabag sa uniformed curfew hours at minimum health standard protocols.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,