Panukalang Charter Change na magpapalawig sa termino ng mga Kongresista, inihain na sa Kamara

by Erika Endraca | July 25, 2019 (Thursday) | 38872

House of Representatives, Philippines – Inihain na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang amyendahan ang saligang batas ng bansa o ang Charter Change.

Sa House Concurrent Resolution No. 1 na inihain ni Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez pinapalawig nito ang termino ng mga kongresista habang babawasan naman sa mga senador.

Magiging 4 na taon kada termino na ang mga kongresista mula sa kasalukuyang 3 taon.

Habang ang mga sendor naman mula sa 6 na taon kada termino ay gagawin nalang iyong 4 na taon.

Kaya kung iyon ay maisasabatas magkakapareho na ang termino ng kongresista at senador kung saan maaari silang maluklok sa 3 magkakasunod na halalan at manatili sa pwesto ng 12 taon.

Nakapaloob rin sa panukalang batas na mula sa kasalukuyan na 24 na senador ay gagawin itong 27.

Kung saan kailangang magkaroon ng tig-3 senador mula sa National Capital Region, Northern Luzon, Southern Luzon, Bicol Region, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Southern Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region.

Samantala una nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na prayoridad nya sa kanyang pamumuno ang pagpapalawig sa termino ng mga kongresista. 

(Grace Casin | Untv News)

Tags: , , ,