Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagbibigay ng opsyon sa mga empleyado sa pribadong sektor na magtrabaho sa bahay sa pamamagitan ng telecommunication o computer technologies.
Base sa House Bill 7402 o panukalang “Telecommuting Act”, ito ay dapat na boluntaryong gagawin ng empleyado base sa kondisyon na pagkakasunduan nila ng kanyang amo.
Dapat ito ay nakabase pa rin sa labor standards gaya ng takdang oras ng trabaho, overtime pay, rest days at leave benefits.
Una na ring ipinasa ng Senado ang kanilang bersyon ng panukalang batas. Kapag pumasa na ito sa bicameral conference committee at naratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, dadalhin na ito sa Malakanyang para lagdaan ng pangulo upang maging ganap na batas.