Panukalang batas para sa karagdagang NLRC Division, ipinasa ng mga mambabatas

by Radyo La Verdad | May 2, 2023 (Tuesday) | 2630

METRO MANILA – Naghain ng panakulang batas sina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at Rep. Eric Yap ng Lone district ng Benguet na naglalayong itaas ang bilang ng dibisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) mula 8-9 upang higit na mapabuti ang paghawak ng quasi-judicial body sa labor cases.

Magdaragdag ng 9th division ng NLRC ang House Bill (HB) No. 4958 sa Davao para humawak ng mga kaso sa Mindanao at magdaragdag ng 3 pang komisyoner.

Ang NLRC ay isang quasi-judicial body ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nangangasiwa, namamahala sa pamamagitan ng sapilitang arbitrasyon, at lumulutas sa mga alitan sa paggawa.

Sa kasalukuyan ay mayroong 8 dibisyon ang NLRC, kung saan ang una hanggang ika-6 ay matatagpuan sa Metro Manila, ang ika-7 ay sa Cebu at ang ika-8 sa Cagayan de Oro na binubuo ng tig-3 miyembro — ang namumunong komisyoner mula sa gobyerno at 2 pang miyembro na kumakatawan sa mga sektor ng manggagawa at employer.

Balak ng panukalang batas na suportahan ang misyon ng NLRC na lutasin ang labor cases sa pinakamakatarungan, pinakamabilis, hindi magastos at pinaka-epektibong paraan.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: ,