Panukalang batas na naguubliga sa mga graduating students na magtanim ng 2 puno, aprubado na sa Kamara

by Erika Endraca | August 28, 2020 (Friday) | 2216

METRO MANILA – Aprubado na sa kamara ang panukalang batas na mag-oobliga sa mga senior high school at college students sa bansa na magtanim ng dalawang puno bago magtapos.

Sa ilalim ng House Bill 6931 o ang Graduation Legacy for Reforestation Act, ang DENR at local government ang magsasabi kung saang lugar sila magtatanim.

Kasabay nitong naaprubahan din ang House Bill 6930 o ang family tree planting act.

Sa ilalim naman ng panukalng batas na ito ay inuubliga ang mga magulang, kasal man o hindi, na magtanim ng 2 puno sa bawat sanggol na kanilang ipanganganak.

Itatanim naman ito sa kanilang bakuran o sa tutukuying lugar ng DENR.

Bibigyan ng certification ng punong barangay o opisyal ng DENR ang mga magtatanim bilang katibayan ng pagsunod sa batas.

Kakailanganin ang dokumentong ito sa pagkuha ng certificate of live birth mula sa Local Civil Registry.

Dapat na makapagtanim ng mga seedling ang mga ito sa loob ng 30 araw matapos makapanganak.

Sa parehong panukalang batas ay sa DENR manggagaling ang gagastusin at itatanim na punla na akma sa klima at lugar pero pangunahin ang mga indigenous species.

Layon ng mga panukalang batas na matulungan ang pamahalaan sa reforestation program nito.

Base sa executive order 193 na inilabas noong 2015, nasa 7.1 milyon na ektaryang lupa ang dapat na mataniman sa bansa mula 2016 hanggang 2028.

Ayon sa DENR, posibleng mapabilis ng doble ang target nilang panahon ng pagtatanim kung maisasabatas ang mga panukalang ito.

Bentahe din anila ang mas maraming puno para mas malinis ang hangin na makakatulong sa pagpapalakas ng mga baga.

“Nakapatimely nito wherein tinutulungan natin ang ating air quality na maging tip-top shape para lang matulungan tayo dito sa ting giyera laban sa COVID-19.” ani DENR Usec Benny Entiporda.

Base sa datos na nakuha ng UNTV News, kung pagsasamahin ang bilang ng mga ipinanganganak kada taon at ang mga nagtatapos sa senior high school ay aabot na sa 7.24 Million na puno ang maitatanim kung maisasabatas ang panukala.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: