Panukalang batas na nagtataas ng sahod ng mga nurse, dapat pag-aral muli – Sen.-elect Riza Hontiveros

by Radyo La Verdad | June 17, 2016 (Friday) | 1732

DARLENE_HONTIVEROS
Naniniwala si Senator-elect at kilalang health care advocate na si Riza Hontiveros na dapat muling pag-aralan ang comprehensive nursing bill, ang panukalang batas na nagtataas sa sahod ng mga nurse.

Ayon kay Hontiveros, nakipagpulong sya sa mga taga public health sector at lumalabas na mayroon pang ilang isyu na hindi natutugunan sa ilalim nito.

Hindi pinirmahan ni Pangulong Aquino ang naturang panukala dahil sa naumentuhan naman na ang sahod ng mga nurse sa pamamagitan ng Executive Order 201.

At pag tinaasan pa ito, magugulo lamang ang government salary structure dahil mas tataas ang sahod ng mga nurse kaysa sa ibang health care professionals tulad ng mga dentista at optometrists.

Dagdag pa ni Hontiveros, magandang mapagaralan na ang mga isyung ito upang ma-irefile agad ang bagong panukala pag pasok ng 17th Congress.

Sa ilalim ng naturang batas, ang kasalukuyang entry level salary ng mga nurse ay itatataas sa mahigit 26 thousand pesos mula sa 18 thousand and 549 pesos kada buwan.

Sinabi ni Hontiveros, kung sakaling man magpatupad ng salary increase sa mga nurse, maaaring mapondohan ito sa pamamagitan ng sin tax collection na tumataas anya taon taon.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senador Antonio Trillanes matapos i-veto ang naturang batas.

Ayon kay Trillanes, napigilan lamang ng veto ang pagkakaroon ng maayos na sweldo ang mga nurse sa bansa.

Sinabi naman ni Trillanes na muli nyang ihahain ang naturang batas sa darating na 17th Congress.

(Darlene Basingan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,