Panukalang batas na nagbabawal ng pagsasagawa ng hazing, pasado na sa committee level sa Kamara

by Radyo La Verdad | September 28, 2017 (Thursday) | 4798

Hindi na biro ang bilang mga kabataan na nasasawi dahil sa hazing. Taong 2012 nang masawi ang San Beda Law freshman students na sina Marvin Reglos 25 yrs old at Marc Andre Marcos 21 years old, matapos magtamo ng matinding mga pinsala sa katawan.

Nasundan pa ito noong June 2014 nang masawi si Guillo Cesar Servando 18 anyos, at nitong lamang isang linggo, hindi kinaya ni Hocario “Atio” Castillo III ang malalakas na palo sa magkabilang braso na nagresulta sa hematoma o pamumuo ng dugo.

Kaya naman ang Kamara, nais nang tuldukan ang mga ganitong insidente. Kahapon, pumasa na sa kumite level ang panukalang batas na magaamyenda sa kasalukuyang Anti Hazing Law.

Dito tuluyang magbabawal sa pagsasagawa ng hazing sa lahat ng school at community based fraternity, sorority at iba pang organisasyon gaya nito.

Habang ire-regulate na ang initiation rites sa lahat ng school at community based fraternity, sorority at iba pang organisasyon na kagaya nito.

Gagawin na naring mandatory ang pagpaparehistro ng mga ito sa paaralan at sa local government unit.

Ang mga school officials posible narin ang mananagot oras na magkaroon ng hazing sa loob ng paaralan lalo na kung nagresulta ito pagkamatay o serious physical injury.

Bubuo rin ng Inter Agency Committee against hazing na siyang magmomonitor sa lahat ng organisasyon upang matiyak na hindi nalalabag ang batas.

Sakaling maisabatas ito lahat ng mapapatunayang lalabag ay maaaring patawan ng mula 20 taon hanggang sa habayang buhay na pagkakabilanggo.

Target ng mga kongresista na maipasa ito sa Kamara bago matapos ang buwan ng Oktubre.

Handa namang i-adopt ng Senado ang kanilang bersyon upang agad na maisabatas.

 

( Grace Casin  / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,