METRO MANILA – Aprubado na ng House Ways and Means Committee nitong Lunes (Agosto 23) ang substitute bill ng panukalang tax exemption sa mga medical oxygen at iba pang medical supplies.
Tugon ito sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na mailibre sa buwis ang mahahalagang suplay kontra COVID-19.
Sakop ng panukala ang paggawa, importasyon, pagbebenta, at donasyon ng critical medical supplies tulad ng mga bakuna at iba pang mga gamot na kailangan tuwing may public health emergency.
Hindi na rin papatawan ng buwis ang essential goods gaya ng personal protective equipment (PPE), surgical equipment at supplies, laboratory equipment at ang mga reagent nito, alcohol, sanitizer, tissue paper, thermometer, hand soap, detergent, mga testing kit, at iba pang produkto batay sa ilalabas na listahan ng Department of Health (DOH) at ng mga ahensyang may kaugnayan dito.
(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)