Pansamantalang pagpapatigil ng operasyon ng MRT-3 para suriin at ayusin, dapat pag-aralan ng DOTr – Sen. Grace Poe

by Radyo La Verdad | November 17, 2017 (Friday) | 5478

Nanawagan na si Senate Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa Department of Transportation na desisyunan na kung kinakailangan na munang ipatigil ang operasyon ng MRT-3 sa gitna na patuloy na aberya at naiulat na panibagong aksidente sa operasyon nito.

Dapat na aniyang gumawa ng mabigat na desisyon ang Department of Transportation upang ayusin na ang estado ng MRT- Line 3.

Ayon pa sa senador, kailangang pagpasyahan na ng ahensya kung kinakailangan munang ipatigil pansamantala ang operasyon nito upang bigyang-daan ang malawakang pagsusuri sa mga tren. Ang panukala ay bunsod na rin ng sunod-sunod na aberya at insidente sa MRT-3.

Pinakahuli ay ang paghiwalay ng huling bagon sa kabuuan ng tren sa pagitan ng Buendia at Ayala stations kahapon at ang pagkaputol ng braso ng isang babae matapos maipit sa pagitan ng train coaches noong Martes.

Hindi naman pabor ang pamunuan ng MRT sa panukalang ito. Gayunman, may mga inihahanda na aniya silang mitigating measures upang solusyunan ang mga problema nito.

Para naman sa mga pasaherong sumasakay ng MRT, kulang ang mga bus para sa mga pasahero kung ipatitigil ang operasyon ng MRT. Ang ilan naman ay sumasang-ayon na rin kung para ito sa ikagaganda ng serbisyo.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,