Paniningil ng P2/minute travel time charge ng TNCs, inaprubahan na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | September 6, 2018 (Thursday) | 3569

Maaari nang ipatupad muli ng mga transport network company (TNC) tulad ng Grab PH ang two peso per minute travel rate na sinisingil nila sa mga pasahero.

Ito ay matapos na ilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang resolusyon na pumapayag na maisama ito sa fare structure ng mga TNC.

Ibig sabihin, ang dating 40 piso na base fare, 10 hanggang 14 piso na dagdag kada susunod na kilometro at dalawang beses na surge na dating sinisingil ng mga TNC. Madadagdagan pa ng dalawang piso sa kada minutong itinatagal ng biyahe.

Bukod sa bagong fare structure, ipinag-utos na rin ng LTFRB sa mga ride hailing company ang pag-iisyu o pagpi-print ng resibo sa mga pasahero. Dito makikita kung paano kinuwenta at magkano ang babayarang pasahe.

Ayon sa Memorandum Circular No. 2018-019 ng ahensya, nakita ang pangangailangan na i-adjust ang fare structure ng TNVS upang matiyak na mapapanatiling buhay at masigla ang industriyang ito.

Magiging epektibo ang kautusan ng LTFRB, 15 araw matapos itong mailathala. Ikinatuwa naman ito ng mga TNVS driver.

Dati nang sinuspinde ng LTFRB ang implementasyon ng Grab PH ng two peso per minute travel time dahil sa umano’y kawalan ng pahintulot mula sa board.

Ngunit tinuligsa ito ng iba’t-ibang grupo ng mga TNVS at makailang ulit na umapela sa ahensya na muli nang ibalik ang paniningil sa naturang pasahe upang maiwasan ang kanilang pagkalugi.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,