Panibagong wave ng COVID-19, posibleng maranasan sa NCR – Octa

by Radyo La Verdad | November 25, 2022 (Friday) | 6458

METRO MANILA – Simula Setyembre hanggang noong nakaraang linggo bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Pero nitong Linggo lamang, nakitaan ito ng bahagyang pagtaas.

Ayon kay Octa Research Professor Guido David mula 7.4% tumaas ito sa 9.2% positivity rate at posibleng tumaas ito hanggang sa katapusan ng buwan.

Sa ngayon nasa 260 cases per day ang kaso sa Metro Manila at aakyat ito sa 300-400 cases per day o hanggang sa Disyembre.

Bagamat maaga pa aniyang sabihiin kung ano talaga ang dahilan ng pagtaas ng kaso, posibleng epekto rin ito ng BQ subvariant na kumakalat ngayon sa US, Europe, China at Japan.

Kung hindi magbabago ang trend, sinabi ni Dr. David na posibleng simula na uli ito ng bagong wave of infections sa NCR gaya nang nangyari noong June.

Katulad ng mga nakalipas na wave ng COVID na dahil sa mga variants gaya ng Omicron, XBB at XBC.

Gayunpaman hindi dapat maalarma ang publiko dahil mababa pa rin ang hospitalization rate.

Sa labas ng Metro Manila may ilang lugar rin na mataas ang positivity rate kagaya ng ilang bahagi ng Western Visayas, Cordillera Region, Camarines Sur, Isabela, La Union, Misamis Oriental at Tarlac.

Ayon naman kay PHAPI President Jose D. Grano mas mainam na nanatili pa rin ang state of calamity sa bansa lalo na ngayon holiday season at karamihan ay wala nang soot na mask.

(Lalaine Moreno | UNTV News)

Tags: ,