Panibagong dagdag-singil sa tubig, nagbabadya dahil sa Kaliwa Dam project

by Radyo La Verdad | November 23, 2018 (Friday) | 3905

Isang panibagong dagdag-singil sa mga consumer ang nagbabadya dahil sa sisimulang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Infanta, Quezon.

Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang 12.1 bilyong piso na ipauutang ng China sa Pilipinas ang gagamitin sa pagpapagawa nito. Uutangin ito sa Export-Import Bank of China at ang Chinese Energy Engineering Group ang siyang kontraktor sa proyekto.

Ayon sa MWSS, ang Maynilad at Manila Water ang magbabayad ng utang kung kayat sisingilin rin ito ng dalawang konsesyonaryo sa mga consumer.

Pero ayon sa isang consumer group, dapat sana ay huwag ipaubaya sa mga konsesyonaryo ang pagbabayad ng utang sa China upang mas makatipid ang pamahalaan. Bagkus ay akuin ng gobyerno ang utang para hindi na kailangan pang mahirapan ang mga konsyumer sa pagbabayad nito.

Hihiling ng panibagong hearing ang konsyumer group sa MWSS upang mapag-aralan ang pagsasagawa sa naturang proyekto. Pero ipinaliwanag ng MWSS na mahalagang maitayo ang Kaliwa Dam sa lalong madaling panahon dahil sa hindi na kakayanin ng Angat Dam na suplayan pa ng tubig nag lumalaking populasyon ng Metro Manila. Kapag natapos ay kaya nitong magsupply ng 600 milyong litro na tubig araw-araw.

Sa orihinal na plano ay aabutin ito ng limang taon bago matapos pero pipilitin na maitayo hanggang taong 2020 bago bumaba sa pwesto si Pangulong Duterte.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,