Tatapusin na sana kahapon ng prosekusyon ang pagpipresenta ng ebidensiya laban sa pangunahing akusado na si Andal Ampatuan Jr. Pero humiling pa ang abogado nito na ma-cross examine si PO1 Rainer Ebus.
Pinag-bigyan ito ni Judge Jocelyn Solis-Reyes kayat nagtakda pa ng karagdagang pagdinig sa December 6. Pagkatapos nito ay pagkakataon na ni Andal Junior na maglahad ng kaniyang depensa.
Ayon sa private prosecutor si Atty. Nena Santos, magkakaroon pa ng lima o anim na pagdinig sa kaso at pagkatapos nito ay pwede nang mahatulan ang pangunahing akusado.
Ikinatutuwa ng National Union of Journalist of the Philippines ang balitang ito dahil napakahalaga anila na manapagot ang mga akusado sa krimen. Tatlumpu’t dalawa sa mga biktima ng Maguindanao massacre ay mga kawani ng media.
Ayon kay NUJP Secretary General Dabet Panelo, huwag sanang makalimutan ang kaso. Gagamitin naman ng prosekusyon bilang bahagi ng kanilang ebidensiya ang salaysay ni PO1 Rainer Ebus, ang bodyguard ni Andal Junior. Dati na itong kinakuha bilang state witness pero hindi pumayag ang korte.
Sa kaniyang salaysay, sinabi ni Ebus na nakita niya mismo si Andal junior na isa sa mga bumaril sa mga biktima.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Andal Ampatuan Junior, PO1 Rainer Ebus, private prosecutor