Pangulong Rodrigo Duterte, nagdesisyong muling ibalik ang PNP-Illegal Drugs Operation

by Radyo La Verdad | March 1, 2017 (Wednesday) | 1332


Isang buwan na ang nakalipas mula nang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Illegal Drug Operations ng Philippine National Police kaalinsabay ng pagsasagawa ng internal cleansing ng ahensya.

Sa halip ay inatasan ng pangulo ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na pangunahan ang mga war on drugs ng pamahalaan.

Ngunit kahapon sa isang press conference sa Malakanyang, sinabi ng punong–ehekutibo ang muling pagbabalik sa operasyon ng PNP kontra droga.

Ito ay dahil sa mga napaulat na muling pamamayagpag ng mga drug pusher at user sa mga lansangan at sa kakulangan ng mga tauhan ng PDEA upang mapigil ang mga ito.

Nilinaw naman ng punong ehekutibo na pangungunahan pa rin ng PDEA ang mga operasyon kontra droga katulong ang Armed Forces of the Philippines.

Samantala, kahapon ay isina-pormal na ng Armed Forces of the Philippines at PDEA ang kasunduan kaugnay sa gagawing operasyon kontra droga.

Pinangunahan ang MOA signing ni PDEA Chief Isidro Lapeña at AFP Chief of Staff General Eduardo Año sa AFP general headquarters sa Camp Aguinaldo.

(UNTV News)

Tags: , ,