METRO MANILA – Muling binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ay sa gitna ng banta ng bagong COVID-19 strain na XE variant.
Ayon sa pangulo, nababahala siya sa posibleng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kaya naman hindi niya hahayaan na basta na lamang magluwag sa ipinatutupad na minimum public health standards partikular na ang pagsusuot ng face mask.
“It was a reckless move to stop urging people to wear masks. Yun ang attitude nila pero tayo dito, sabihin ko lang di tayo mayaman we can hardly afford to meet another wave of the pandemic” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Ayon kay Pangulong Duterte, mananatili ang pagsusuot ng face mask hanggang sa matapos ang kaniyang termino.
“Ako I’ll just state my case, there is no way na masks will not be required. It will be a part of the protocol for a long time until the last day of my office. Yan ang order ko at yan ang sundin Ninyo.” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Inatasan rin ng pangulo ang mga opisyal sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tumulong sa kampanya ng pamahalaan sa pagbabakuna.
Sa ulat ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., aabot lamang sa 27.31% ang coverage ng fully vaccinated sa BARMM. Bagay na nakakabahala ayon sa kalihim.
Ayon sa Vaccine Czar, tututukan nila ang BARMM na magkaroon ng massive vaccination sa rehiyon.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Covid-19, Pangulong Duterte