Pangulong Rodrigo Duterte, idineklarang malaya na sa mga terorista ang Marawi City

by Radyo La Verdad | October 18, 2017 (Wednesday) | 1889

Isang daan at apat na pu’t walong araw mula ng sumiklab ang gulo, idineklara na kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na sa mga terorista ang Marawi City.

Ginawa ng Pangulo ang deklarasyon isang araw matapos mapatay ng mga sundalo sa isang operasyon sina Omar Maute at Isnilon Hapilon, ang dalawa sa mga nanguna sa madugong pag-atake sa lungsod.

Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan, malakas na hiyawan ang narinig mula sa mga sundalo at pulis.

Bagama’t nalagasan ng isang daan at animnapu’t dalawang kasama, masaya pa rin ang mga ito dahil sa wakas nagbunga na ang mahigit apat na buwan nilang pagsisikap na mabawi ang syudad mula sa mga kalaban.

Subalit sa kabila ng deklarasyon ng Pangulo, tuloy pa rin ang operasyon ng mga sundalo sa Marawi upang mahanap ang natitira pang mga terorista at mailigtas ang iba pang mga bihag.

Kasunod ng paglaya ng Marawi sa kamay ng mga terorista, magsisimula naman ang isa pang malaking hamon sa pamahalaan, ang rehabilitasyon sa nasirang lungsod.

At bagama’t may deklarasyong malaya na sa mga terorista ang Marawi, hindi naman ito nangangahulugan na agad ng makababalik sa kanilang tahanan ang mga nagsilikas na residente. Sa huling tala ng militar, 22 bihag pa ang hawak ng nasa 30 mga terorista.

Binigyang-diin naman ng Pangulo na hindi na papayagan ng pamahalaan na maulit ang nangyaring krisis sa Marawi.

May pangako rin ang commander-in-chief sa mga nasugatan at nabaldang mga sundalo dahil sa bakbakan sa Marawi.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,