METRO MANILA – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na ipaglalaban ng bansa ang teritoryo nito at sasagutin ng Pilipinas ang inilabas na bagong bersyon ng mapa ng China kung saan makikita na sinasakop na nila ang malaking bahagi ng West Philippine Sea. .
Sa inilabas na 2023 edition ng ‘standard map’ ng China, mayroon ng sampung dash line ang saklaw ng South China Sea.
Kasama sa mga nasakop na malaking bahagi ng West Philippine Sea ay ang Spratly Islands kung saan kabilang ang Kalayaan Group of Islands.
Binigyang diin naman ng pangulo na ipagpapatuloy nya ang pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa mga teritoryo nito.
Gaya na lamang ng ginawa ng kaniyang ama na si Dating Pangulong Ferdinand Marcos Senior noong itatag nya ang munisipyo ng Kalayaan sa pamamagitan ng Presidential Decree 1596 na tumatayong matatag na simbolo na pagmamay-ari ng Pilipinas ang West Philippine Sea.