METRO MANILA – Sumasailalim sa mandatory quarantine si Pangulong Rodrigo Duterte matapos na ma-expose sa isang household staff o kasambahay na nagpositibo sa COVID-19 noong araw ng Linggo, January 30, 2022 ayon sa Malacañang.
Ayon sa palasyo, 2 beses na nag-negatibo ang resulta ng RT-PCR test ng pangulo noong January 31 at February 1.
Kinumpirma ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Nograles na bumisita ito sa Cardinal Santos Medical Center subalit para lamang aniya sa kaniyang routine medical check-up matapos mapaulat na na-ospital ang pangulo. Walang petsang ibinigay ang Malacañang kung kailan ito nangyari.
Giit naman ng palasyo, walang paglabag sa protocols si Pangulong Duterte nang magtungo ito ng ospital dahil batay sa kaniyang doktor, cleared to go ito para sa kaniyang medical check-up.
Tiniyak naman ng palasyo na patuloy pa rin ang trabaho ng punong ehekutibo habang naka-quarantine at maigting ang pakikipag-ugnayan sa mga cabinet member upang mamonitor ang pagpapatupad ng kaniyang mga direktiba kaugnay ng COVID-19 response.
Fully vaccinated na si Pangulong Duterte kontra COVID-19 at natanggap na rin nito ang Sinopharm COVID-19 booster shot.
Noon pang January 24 ang huling public appearance nito. Taliwas sa nakagawiang lingghuhang talk to the people.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19, Pangulong Duterte