Pangulong Duterte, walang balak pumunta sa Boracay reopening

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 4122

Sa kabila ng paanyaya sa kaniya ni Environment Secretary Roy Cimatu sa dry run ng pagbubukas ng Boracay Island sa mga turista matapos ang anim na buwang pagsasara nito, tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na pangunahan ang event.

Aniya, hindi siya pupunta sa reopening ng Boracay island at magmistulang namumulitika.

Ginawa nito ang pahayag kagabi sa isang public event sa Maynila kasama si dating Pangulong Fidel Ramos.

Ayon sa punong ehekutibo, pupunta lang siya sa isla kapag mamimigay na ng land titles sa Atis tribe at iba pang beneficiary sa ilalim ng land reform program ng pamahalaan.

Umaasa naman ang punong ehekutibo na ipagpapatuloy na ng lokal na pamahalaan ang napasimulan ng national government na mapanatili ang kalinisan sa isla.

Simula ngayong araw, nagsasagawa na ng dry run ang mga ahensya ng pamahalaan para sa soft-opening ng isla sa susunod na Biyernes.

Anim na buwang ipinasara ni Pangulong Duterte ang sikat na island tourist destination upang mai-rehabilitate simula noong April 26.

Unang tinawag ni Pangulong Duterte ang Boracay na cesspool dahil sa walang waste water treatment ang maraming establisyementong nag-ooperate sa isla.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,