Pangulong Duterte, unang-unang susunod sa Anti-Bastos Law – Malacañang

by Erika Endraca | July 17, 2019 (Wednesday) | 4287

MALACAÑANG, Philippines – Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Safe Spaces Act o ang Republic Act number 11313 noong April 17, 2019. Kilala rin ito sa tawag na Anti-Bastos Law kung saan bawal na ang catcalling o paninipol, panghihipo, pambabastos pisikal man o emosyonal, mga negatibo at sekswal na patutsada sa mga babae at miyembro ng LGBT at iba pang gender-based harassment.

Kabilang din sa ipinagbabawal ng batas ang online sexual harassment. Sinomang lumabag dito ay posibleng mapatawan ng parusa tulad ng P1,000 hanggang P500,000 halaga ng multa, community service, at pagka-aresto ng anim na araw hanggang 6 na buwan.

Ayon sa palasyo, bilang pangunahing tagapagpatupad ng lahat ng batas sa Pilipinas, ang Pangulo ang inaasahang unang susunod dito. Ilang beses tinuligsa ang punong ehekutibo ng mga women’s group dahil sa mga kontrobersyal nitong pahayag.

“Since the president signed that law, it means he recognizes the need for that law and since he is the chief enforcer of all the laws of the Philippines, he will be the first one to obey the law” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Iginiit naman ng palasyo, pagbibiro at hindi pambabastos ang layon ng punong ehekutibo.Ipinaliwanag din ng opisyal ang anti-bastos law kaugnay sa mga kontrobersyal na pahayag ni pangulong duterte na unang umani ng batikos sa mga grupo ng kababaihan.

“That particular law is penal in nature, meaning criminal in nature, in other words, the subject offended party must be offended personally by an offender. Pero kung general na nagkukwento, mao-offend ka, paano mo sasabihing ikaw ang tinutukoy nun, may problema ka dun, how can you even charge him with what? How did they offend you, did i refer to you, papaano ka na? Dismiss agad yun,   kailangang personal yun. Crime is personal to the offender.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Nang tanungin kung mapipiglan na bang magbitiw ng mga kontrobersyal na pahayag ang pangulo sa kababaihan dahil sa anti-bastos law, ayon sa kalihim, abangan na lang kung mababawasan ba ang mga pagbibiro ng punong ehekutibo.

Tiniyak din ng Malacañang na sinumang mao-offend sa mga pahayag ng pangulo ay maaaring magsampa ng kaukulang kaso pagkatapos ng termino nito.

“Then any person can sue him for that violation. If you argue that, well, he is immune, well you can sue him after the presidency. No one is above the law, including this president and he always tells us that.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: ,