Pangulong Duterte, umalis na patungong Laos upang dumalo sa ASEAN Summit

by Radyo La Verdad | September 5, 2016 (Monday) | 1456

VICTOR_PRES.DUTERTE
Pasado alas kwatro ng hapon nang umalis si Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao patungong Laos upang dumalo sa 28th at 29th ASEAN Summit ang kaniyang kauna unahang international engagement.

Sa kanyang departure speech, sinabi ng Pangulo na kabilang sa mga isyung kaniyang tatalakayin sa naturang pulong ang paglaban sa terorismo, ang pagsusulong sa rule of law at peaceful resolution sa mga dispute, ang pagpapaigting sa emergency response at disaster management ng mga ASEAN member nations, ang pagsusulong ng inclusive economic growth, ang pagsusulong ng drug free ASEAN community at iba pa.

Sa pulong tatanggapin din ng Pilipinas ang chairmanship para sa ASEAN Summit sa 2017.

Sa sidelines ng ASEAN Summit makikipagpulong din ang pangulo sa siyam na heads of state at isa na rito si US President Barrack Obama.

Nanindigan naman ang pangulo na hindi niya kailangang magpaliwanag kay Obama kaugnay ng kaniyang isinasagawang kampanya laban sa iligal na droga partikular ang patungkol sa isyu ng umano’y nangyayaring extra judicial killings sa bansa.

Muli ring iginiit ng pangulo na tuloy ang kampanya laban sa iligal na droga hanggang mawala ang kahuli hulihang drug pusher.

Tatakbo ang summit mula September 6 hanggang September 8.

Samantala pagkatapos sa Laos tutulak naman patungong Indonesia si Duterte para sa isang working visit.

Haharapin ng pangulo ang Filipino community sa lugar at isa sa magiging laman ng kaniyang pakikipag usap kay Indonesian President Joko Widodo ay ang magiging kapalaran ni Mary Jane Veloso.

Susubukan ng pangulo na makumbinse si Widodo na mapatawad si Veloso subalit kung tatanggihan ay tatanggapin niya ito bilang pagrespeto sa judicial system ng Indonesia.

Inaasahang magbabalik bansa ang pangulo sa September 9.

Habang wala sa Pilipinas si Duterte magiging caretaker naman ng bansa si Executive Secretary Salvador Medialdea.

(Victo Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,