Pangulong Duterte at U.S. President Trump, nagpulong sa unang pagkakataon sa sidelines ng ASEAN Summit

by Radyo La Verdad | November 13, 2017 (Monday) | 2370

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsagawa ng bilateral meeting sina Pangulong Rodrigo Duterte at U.S. President Donald Trump matapos ang ASEAN Summit (Plenary)  pasado ala-una ngayong hapon.

Binati at nagpasalamat si President Trump kay Pangulong Duterte sa tagumpay ng chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN ngayong taon.

Kinumpirma rin ng U.S. President ang magandang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ipinagmalaki pa nito ang maganda aniyang pagtrato ng bansa sa mga delegado at leaders ng ASEAN at dialogue partners kabilang na ang hosting ng Pilipinas ng gala dinner para sa mga lider kagabi, kung saan nag-enjoy umano sila sa inihandang presentations.

Hindi na pinahintulutan ang media na magtagal sa lugar kung saan nagpupulong ang U.S. at Philippine leaders.

Tinangka naman ng isang tauhan ng U.S. media na magtanong kung matatalakay sa pagpupulong ng dalawa ang isyu sa human rights sa Pilipinas subalit tumanggi na ang dalawang punong ehekutibo na ito’y sagutin.

Ayon naman kay Pangulong Duterte, sa press conference na lang siya bukas sasagot ng mga tanong mula sa media.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,