Pangulong Duterte, tutol sa pagsasagawa ng military drill sa South China Sea

by Radyo La Verdad | November 16, 2018 (Friday) | 11057

Bilang country coordinator sa ASEAN-China Summit, gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang magagawa upang matapos sa lalong madaling panahon ang pagbuo sa code of conduct sa South China Sea.

Sa isang ambush interview kahapon, muling binigyang-diin ng Pangulo ang halaga na agarang mabuo ang code of conduct sa South China Sea.

Ayon sa Pangulo, isang bagong development sa kasaysayan ang pag-aangkin ng China sa buong South China Sea dahil babaguhin nito ang mga umiiral na batas pagdating sa mga international waters kung saan lahat ay malayang makapaglalayag.

Mahalaga aniya na mabuo na ang panuntunan para alam ng lahat ang gagawin sa gitna ng pag-aangkin ng China sa halos buong karagatan.

Ayon din sa Pangulo, ang seguridad ng bansa ang kaniyang pangunahing interes kung kaya’t hindi siya sang-ayon sa pagkakaroon ng military drill sa South China Sea.

Samantala, sa isang press conference na ginawa ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin, nananatili pa ring matatag ang paninindigan ng pamahalaan na hindi isusuko ang karapatan sa West Philippine Sea.

Kahapon ay natapos na ang 33rd ASEAN Summit. Sa closing ceremony kagabi ay pormal na ring itinurn over ng Singapore ang chairmanship sa ASEAN sa bansang Thailand.

Matapos ang 33rd ASEAN Summit, diretso naman ang delegasyon ni Pangulong Duterte sa Papua New Guinea upang dumalo sa dalawang araw na APEC Summit.

 

( Maila Guevarra / UNTV Correspondent )

Tags: , ,