Pangulong Duterte, tumulak na patungong Israel at Jordan para sa official visit

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 2257

File photo from PCOO FB Page

Mula ika-2 hanggang ika-8 ng Setyembre ang official visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Israel at Kingdom of Jordan. Kahapon umalis na ng bansa ang Pangulo kasama ang ilang miyembro ng gabinete at grupo ng mga negosyante.

Pangunahing layon ng pagbisita ng Pangulo ang pagpapalakas ng kooperasyon sa dalawang bansa pagdating sa usapin ng seguridad at ekonomiya. Nais rin ng Pangulo na mabigyang-diin ang kahalagahan ng kapayapaan sa rehiyon kung saan maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho sa gitnang silangan.

Ang pagbisita ng Pangulo sa Israel ay bilang tugon sa imbitasyon ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Bukod sa paglagda sa iba’t-ibang kasunduan, inaasahang pangungunahan rin ni Pangulong Duterte ang pagpapasinaya sa isang monumento sa Tel Aviv sa Central Israel na kumikilala sa Pilipinas dahil sa pagtulong sa mga hudyo na biktima ng holocaust noong panahon ni Adolf Hitler.

Matatandaang isa ang Pilipinas sa iilang bansa na kumupkop sa mga Hudyo ng sila ay tumakas mula sa pag-uusig at pamamaslang.

Itinuturing na historic ang pagbisitang ito ni Pangulong Duterte sa mga naturang Arab Nation dahil siya ang kauna-unahang Pangulo ng Pilipinas na bumisita sa Israel mula pa nang matatag ang diplomatikong relasyon ng dalawang bansa mahigit animnapung taon na ang nakakaraan.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,