Pangulong Duterte, tiwalang mareresolba ang suliranin sa CPP sa taong 2019

by Radyo La Verdad | September 19, 2018 (Wednesday) | 2377

Dumadami ang mga rebeldeng komunistang nagbabalik-loob sa pamahalaan at nagsasauli ng kanilang mga armas.

Ito ang nakikitang senyales ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya niya tinayang sa 2019 matatapos na ang suliranin ng bansa sa insurgency partikular na sa mga rebeldeng komunista.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng dalawin nito ang mga tauhan ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela kahapon.

Umabot sa ika-apat na rounds ang formal peace talks sa pagitan ng GPH at NDF peace panel sa ilalim ng Duterte administration.

Subalit, pinatigil ito ni Pangulong Duterte at nais muna niyang pag-aralan ang lahat ng kasunduang pinirmahan sa pagitan ng NDF at lahat ng administrasyong nagdaan at isali ang publiko sa pakikipag-usap sa makakaliwang grupo.

Kamakailan din, paulit-ulit na sinasabi ng punong ehekutibo na kabilang ang pwersang makakaliwa sa mga pwersang nag-iibig siyang patalsikin sa pwesto.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,