METRO MANILA – Naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng Heneral ng Militar, Pulis, Navy, at Air Force na gamitin ang lahat ng kagamitan nito para mas mapadali ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyong Odette.
Sa naging pahayag ng punong ehekutibo sa kanyang pagbisita sa Cebu, tiniyak niya na magagamit lahat ng government resources para mas mapadali ang paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo.
Inatasan din niya ang Philippine Coast Guard na dalhin ang lahat ng maliliit na barko sa Cebu para sa pamamahagi ng relief goods lalo na mga lugar na hindi naaabot ng sasakyan.
Samantala, ipinag-utos ng Pangulo sa Department of Environmental and Natural Resources na bigyang aksyon ang oil spill sa Lapu-Lapu City, bunsod ng pagkasira ng mga barko sa lugar na siyang nagdulot nito.
Binanggit din ng Punong ehekutibo sa kaniyang pulong kasama ang mga opisyales ng Cebu, na naglaan ng P100-M na pondo ang National Housing Authority (NHA) para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)