Pangulong Duterte, tinatanggal sa pwesto ang 64 empleyado ng BOC dahil sa katiwalian

by Erika Endraca | July 12, 2019 (Friday) | 26151

MANILA, Philippines – Tinatanggal sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 64 na kawani ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa katiwalian.

Inihayag ito ng punong ehekutibo sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) day sa Malacañang kahapon (July 11).

“I will relieve them of their duties as yet they are not ousted or dismissed because of the right to be heard, but tinatanggal ko na sila sa trabaho nila ngayon to prevent further damage sa government interest” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

At upang mabigyan naman ng pagkakataon marinig ang panig ng mga dismissed employees, ipinapatawag sila ng pangulo sa palasyo sa darating na Lunes (July 15).

Kinumpirma rin ni Pangulong Duterte na kakasuhan ng gobyerno ang mga naturang BOC personnel dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian.

Nang tanungin naman kung anong partikular na insidente ng illegal shipment sangkot ang mga ito, ayon sa pangulo, involved ang mga ito sa sari-saring katiwalian sa maraming taon.

Samantala, kinumpirma naman ng Malacañang na hindi kasama sa mga iniimbestigahan dahil sa katiwalian si Customs Chief Rey Leonardo Guerrero.

Una nang sinabi ng palasyo na nananatili ang tiwala ng pangulo kay Guerrero. Nag-ugat ang imbestigasyon sa mga tiwaling tauhan dahil sa sumbong na nakarating sa customs commissioner.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: , ,