Pangulong Duterte, tinapos ang mga pagpupulong sa 26th APEC Summit sa Papua New Guinea

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 3113

Dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naka-schedule nitong pagpupulong kahapon, araw ng linggo, ikalawang araw ng ika-26 na ASIA Pacific Economic Cooperation Economic Leaders’ Meeting sa Port Moresby, Papua New Guinea.

Taliwas ito sa unang ipinahayag ng Malacañang na linggo ng madaling araw ang balik sa Pilipinas ng delegasyon ng punong ehekutibo at isang araw lang sa APEC Summit ang dadaluhan nito.

Gayunman, walang paliwanag ang Duterte administration kung bakit pinili ng Pangulong tapusin ang APEC Summit.

Kasama naman sa mga dinaluhan ni Pangulong Duterte ang dayalogo kasama ang iba pang 20 economic leaders sa APEC Business Advisory Council, Pacific Islands Forum Leaders at International Monetary Fund.

Ayon naman kay Trade Secretary Ramon Lopez, isinulong ni Pangulong Duterte sa meeting sa mga business leaders ang kapakanan ng Micro Small-Medium Enterprises (MSMEs).

Samantala, hinggil naman sa trade war tension sa pagitan ng bansang China at Estados Unidos, iginiit ng Philippine Government na walang pinapanigan ang Pilipinas.

Sa halip, kapwa pinaiigting ng bansa ang relasyon pang-ekonomiya nito sa iba’t-ibang bansa.

Tiniyak din ng DTI na pinag-aaralang mabuti ng Pilipinas ang bawat kasunduang papasukin nito sa bansang China.

Kaugnay ito ng naging babala ni US Vice President Mike Pence sa Indo-Pacific Region na mag-ingat sa umano’y posibilidad na mahulog sa China’s debt diplomacy at piliin na lang ang American development financing.

Sa pagtatapos din ng 26th APEC, walang narating na consensus ang APEC Economic Leaders’ kaugnay ng pagkakaroon nito ng communique o Leaders’ Declaration.

Dahil ito sa tumitinding trade at investment division ng China at Amerika.

Sa halip, isang formal statement na lamang ang ginawa ng APEC host na si Papua New guinea Prime Minister Peter O’Neill.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,