Pangulong Duterte, tinanggap na ang pagbibitiw ni COMELEC Chair Bautista

by Radyo La Verdad | October 16, 2017 (Monday) | 4676

Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na natanggap niya na ang isinumiteng resignation ni COMELEC Chairman Andy Bautista bago pa man magdesisyon ang House of Representatives na i-impeach ito.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isang panayam sa state-run television na PTV.

Ayon sa punong ehekutibo, hindi niya nakausap ang mga kongresista hinggil sa pag-usad ng impeachment complaint laban kay Bautista.

Iginiit din ng Pangulo na hindi siya makikialam sa prosesong gagawin ng mga mambabatas subalit maikukunsidera na aniyang tanggal na sa pwesto si Bautista.

Noong nakaraang linggo, sa botong 137-75, nagdesisyon ang Kamara na i-impeach ang COMELEC Chief ilang oras matapos nitong ihayag ang kaniyang resignation na epektibo sa December 31, 2017.

Binaligtad ng mga kongresista ang naunang desisyon ng House Committee on Justice na i-dismiss ang impeachment complaint laban kay Bautista.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,