Pangulong Duterte, tinanggal sa pwesto si Ched Chair Licuanan

by Radyo La Verdad | January 16, 2018 (Tuesday) | 3422

Walang ginawang kumpirmasyon o pagtanggi ang Malakanyang kung si Commission on Higher Education Chairperson Patricia Licuanan ba ang tinutukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalin niya sa pwesto nung nakalipas na linggo dahil sa isyu ng katiwalian.

Subalit ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinibak niya ito sa pwesto.

Una nang inalis sa pwesto ni Pangulong Duterte ang Maritime Industry Authority Administrator na Marcial Amaro dahil sa excessive foreign trips subalit hindi malinaw kung dahil din ba sa foreign trips kaya niya dinismiss si Licuanan.

Sa kaniya namang resignation statement, sinabi ni Licuanan na nakatanggap siya ng tawag mula kay Executive Secretary Salvador Mediadela noong weekend at pinakiusapan umano siyang magbitiw sa pwesto.

Bagaman nakatakdang nang magtapos ang kaniyang termino sa July 2018, nagdesisyon na aniya siyang umalis sa kanyang katungkulan.

Dagdag pa nito, halata namang may mga indibidwal sa CHED na nais umano siyang matanggal sa pwesto, ito rin aniya ang posibleng nasa likod ng mga mali at walang basehang mga alegasyon laban sa kaniya kabilang na ang pagkwestyon sa mga pagbiyahe niya sa labas ng bansa.

Tikom naman ang bibig ng Malakanyang hinggil sa mga isyung ito.

Samantala, nanghinayang naman ang dating chairperson ng Senate Committee on Education, Arts And Culture Committee Senator Bam Aquino sa resignation ni Licuanan

Aniya, malaki ang nagawa ng dedikasyon ni Licuanan para mapabuti ang access sa quality education at nanawagan din ito sa Malakanyang na agad na humanap ng kapalit nito na may katulad na abilidad sa pagpapatupad ng reporma.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,