Pangulong Duterte, suportado ang mga kasong inihain laban kina sa dating mambabatas na si Satur Ocampo at iba pa

by Radyo La Verdad | December 4, 2018 (Tuesday) | 6850

Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulisya ang pagsusumite ng mga ebidensya laban sa dating Bayan Muna Partylist Representative Satur Ocampo at iba pa na kinasuhan ng kidnapping at trafficking of minors.

Gayunman, suportado ng punong ehekutibo ang mga kasong isinumite laban sa mga naturang personalidad matapos umanong magreklamo ang magulang ng mga biktima ng kidnapping.

Naniniwala rin ang Pangulo na nire-recruit at ginagamit ng New People’s Army (NPA) ang mga Lumad para sa kanilang operasyon.

Bukod dito, muling iginiit ng punong ehekutibo na ang mga grupo umano ni Ocampo, sampu ng iba pang left-leaning political groups ay mga communist fronts.

Hinggil naman sa bantang kasuhan, ang mga pulis na naghain ng kaso laban kina Ocampo, tiniyak ng Pangulo na tutulungan niya ang mga ito.

Samantala, hinggil naman sa tatlong tauhan ng pulisya na hinatulang guilty ng korte sa kasong pagpatay sa 17-year old na si Kian Delos Santos noong Agosto 2017 kaugnay ng anti-drug war, imposible aniyang bigyan niya ng pardon ang mga ito.

Nanindigan din siyang ang ipagtatanggol niya ang mga pulis at sundalong gumaganap ng kanilang tungkulin at hindi lumalabag sa batas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,