Pangulong Duterte, suportado ang COVID-19 mass testing – Malacañang

by Radyo La Verdad | March 31, 2020 (Tuesday) | 5320

Malacañang – Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng mass testing sa bansa kung available na ang kinakailangan para ma-test ang marami kaugnay ng coronavirus disease. Ito ang tugon ng Malacañang kaugnay ng panawagang nationwide mass testing upang magawa ng pamahalaan ang kinakailangang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.

Subalit ayon kay Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kahit gustuhin ng gobyerno, ‘di naman ito maipatutupad kung limitado pa rin ang resources natin.

Una nang iginiit ng Department of Health na bagaman may higit 100 libo nang testing kits ang bansa at may paparating pang iba, ‘di pa rin ito sapat para magsagawa ng mass testing.

‘Di rin sapat ang laboratoryong pinapayagang magsagawa ng test at ‘di rin aprubado ang pagkakaroon ng rapid testing dahil sa posibilidad na false positive o false negative ang ilalabas na resulta nito.

Samantala, plano naman ng Bureau of Customs na i-donate sa mga medical professional at health workers ang mga nakumpiska nitong medical supplies.

Kamakailan, nasamsam ng BOC ang nasa limang milyong pisong halaga ng overpriced medical items tulad ng face masks, gloves, alcohol at iba pa sa Binondo, Maynila.

“We’re already coordinating with the Department of Justice and the National Bureau of Investigation. We’re finalizing some plans to be able for the Bureau of Customs to assist itong mga na-raid ng NBI at pati na rin po ang mga na-raid namin last week na overpriced na alcohol, mapabilis po agad ang forfeiture nito para po mai-donate natin sa mga frontliner na nangangailangan,” ani Atty. Jet Maronilla, Spokesperson, Bureau of Customs.

(Rosalie Coz)

Tags: ,