Pangulong Duterte, sinabing dapat nang magbigay-daan sa mga susunod na lider ng bansa

by Erika Endraca | October 5, 2021 (Tuesday) | 3179

METRO MANILA – Matapos ianunsyo ang pagreretiro sa pulitika sa 2022, naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na tama ang kaniyang naging desisyon at oras nang magbigay-daan sa mga susunod na lider ng bansa.

Gayunman, umaasa naman ang pangulong maiipagpapatuloy ang mga repormang nagawa ng kaniyang administrasyon kabilang na ang mga proyektong imprastraktura at paglaban sa katiwalian at iligal na droga.

“It is time to give way to a new set of leaders who hopefully continue the reforms of projects and programs that this administration has pursued for the past few years. It is my hope that the new set of leaders will pursue a platform of gov’t that will build on our gains in the areas of fighting illegal drugs, criminality, corruption, terrorism and insurgency.” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Isinulong naman ng punong ehekutibo ang kandidatura ni Senator Bong Go na tatakbong bise presidente sa susunod na taon.

Nanawagan din ang pangulo sa taumbayan na iboto ang ordinaryong mga Pilipino at wag iluklok ang mga tinatawag niyang bright minded.

“Why don’t you get… kasi masyadong, huwag kayo kumuha ng bright, mga brilliant. You know what? Maghanap kayo ng kandidato na ordinaryong pilipino. Bigyan ninyo ng panahon at ipakita niya.” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Kaalinsabay nito, nais matiyak na pangulo ang pagkakaroon ng malinis at mapayapang halalan sa bansa.

Nagbabala rin siya sa mga nagpa-planong maghasik ng kaguluhan at pandaraya lalo na sa Mindanao.

“I will not allow fraud, tapos yung mga tigas-tigas lalo na yung mga matagal sa pulitika, political warlords, may mga armas, pagka-ganun ang gawin mo, you terrorized, pati kayong mga npa, wag kayong sumali gusto ko bago ako umalis, makatikim naman ang mga Pilipino ng malinis na eleksyon especially in mindanao. I am appealing to the leaders, both sa lahat ng tribo na wag kayo kasi I said if you do not follow a peaceful path in the elections, papuntahan ko kayo ng army pati police” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Samantala, sa ibang balita, may memorandum na si Pangulong Duterte upang pagbawalan ang mga executive department official na dumalo sa senate blue ribbon committee hearing kaugnay ng umano’y procurement ng overpriced pandemic supplies ng Duterte administration.

Giit ng punong ehekutibo, nagkulang ng respeto ang senado sa executive department at binibinbin ang mga opisyal na humaharap sa COVID-19 response ng pamahalaan.

“Mabuting magkaintindihan tayo ngayon: respetuhin ko kayo kung magrespeto kayo sa amin. Pag binastos ninyo ako at ang gabinete ko, and all others in the executive department, magbabastusan tayo nito. You cannot be higher than us nor us higher than you. Sino na kayo?” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Iginigiit ng Duterte administration na in aid of election na umano ang ginagawang pagdinig ng senado kaugnay procurement ng pandemic supplies ng pamahalaan noong nakalipas na taon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,