Pangulong Duterte, saglit na nagtungo sa Hong Kong para magpahinga – SAP Go

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 5611

Pasado alas-diyes ng gabi, Sabado nang i-post ni Special Assistant to the President Bong Go sa kaniyang social media account ang mga larawan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte, common-law wife nitong si Honeylet Avanceña at anak na si Kitty Veronica.

Ayon sa opisyal, nagtungo ang mga ito sa Hong Kong Biyernes ng gabi at nakatakdang umuwi rin agad ng araw ng linggo.

Sa kaniyang caption, sinabi nitong kailangan ding magpahinga ng Pangulo. Kasunod ito ng maugong na usap-usapan hinggil sa kalusugan ng punong ehekutibo.

Una nang kinumpirma ni Pangulong Duterte na nagtungo siya sa Cardinal Santos Medical Center noong nakalipas na Miyerkules at nanatili doon ng isang oras upang muling sumailalim sa diagnostic test partikular na ang endoscopy.

Ayon sa punong ehekutibo, pinaulit sa kaniya ang pagkuha nito upang makatiyak sa resulta at kondisyon ng kaniyang kalusugan.

Bago ito, sumailalim na ang Pangulo sa colonoscopy at endoscopy ilang linggo na ang nakalilipas at may nakitang growth o paglaki na ‘di na tinukoy ng Malacañang kung ano.

Ang colonoscopy at endoscopy ay medical procedures na isinasagawa upang makatiyak kung ano ang sakit sa digestive system.

Samantala, tila hindi na naman naiparating kay Presidential Spokesperson Harry Roque hinggil sa short Hong Kong trip ni Pangulong Duterte.

Nang tanungin ng media, araw ng Sabado kung nasaan ang Pangulo, sinabi nitong nasa Davao City lamang ito.

Una nang tinuligsa si Roque matapos igiit na hindi na-ospital si Pangulong Duterte noong Miyerkules.

Isa rin itong dahilan kung bakit pinag-iisipan na rin ng opisyal na magbitiw sa pwesto o sundin ang rekomendasyon ng Pangulo na huwag nang tumakbo sa eleksyon dahil hindi naman aniya ito mananalo at ilalagay na lang siya sa panibagong posisyong iniaalok sa kaniya sa ilalim din ng tanggapan ng punong ehekutibo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,