Pangulong Duterte sa militar at pulisya: not to indulge in Partisan politics

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 2408

Matapos samahang personal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsusumite ng kaniyang certificate of candidacy (COC) bilang senatorial candidate ang dating top aide na si Bong Go sa Comelec kahapon, pinaaalalahan naman ng punong ehekutibo ang mga sundalo at pulis na wala dapat na susuportahang pulitiko sa darating na 2019 midterm elections.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang change of command ceremony sa Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City kagabi.

Siya lang aniya ang maaaring sumuporta sa mga kandidato ng kaniyang administrasyon.

Kasabay nito, nangako din ang Pangulo na magiging malinis ang proseso ng eleksyon sa susunod na taon.

Tiniyak din nitong walang pondo ng pamahalaang gagamitin sa electioneering.

Samantala, muling iginiit ng punong ehekutibo na itatalaga niya bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kareretiro lamang na Philippine Army chief na si Rolando Bautista.

Pumalit namang Army chief sa kaniya ang dating commander ng intelligence service ng AFP na si Major General Macairog Alberto.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,