Pangulong Duterte sa mga tauhan ng militar: ‘wag sayangin ang panahon sa kudeta

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 7352

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kausapin siyang direkta at ipaabot ang kanilang pagtutol sa kaniyang pamumuno at handa siyang bumaba sa pwesto.

Ayon sa punong ehekutibo, hindi dapat magsayang ng panahon ang mga sundalong nag-iibig siyang mapatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng kudeta.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang send off ceremony ng 250 bagong transport vehicles ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna kahapon.

Una nang nabanggit ng punong ehekutibo na may hinanakit siya sa mga sundalong nakikipagsabwatan umano sa mga ouster plotters partikular na ang inihayag ng militar na Red October plot o oplan talsik.

Ayon kay acting DILG Secretary Eduardo Año, noong nakalipas pang taon pinaplano ito ng mga nagsasanib pwersang makakaliwang grupo at ilang miyembro ng oposisyon.

Tiniyak naman ni Secretary Año na hindi nangangailangan ng loyalty check sa hanay ng AFP at PNP laban sa punong ehekutibo.

Samantala, bukod naman sa pagkakaloob ng mga bagong transport vehicles na magagamit sa mga jail facility sa buong bansa, nangako rin si Pangulong Duterte ng eroplano para sa BJMP upang mas maging ligtas sa pagta-transport ng mga high-value criminal.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

Tags: , ,