Pangulong Duterte, rerepasuhin sa loob ng tatlong buwan ang mga kasunduan sa NDFP

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 3528

Nais matiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte kung binding ba sa anomang administrasyon ang lahat ng kasunduang pinirmahan sa pagitan ng government peace panel sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Kaya naman tatlong buwang itong pag-aaralan ng punong ehekutibo kasabay ng mga gagawing konsultasyon sa publiko at iba pang sangay ng pamahalaan hinggil sa peace negotiations sa makakaliwang grupo.

Ito ang mga dahilan kung bakit maging ang back channel talks na ginagawa ng government peace panel at NDF ay kanselado muna.

Ipinaabot na ito nina Presidential Peace Adviser Secretary Jess Dureza at GPH Peace Panel Chief Secretary Silvestre Bello III kay NDF Chief Negotiator Fidel Agcaoili at Communist party of the Philippines founding chair Jose Maria Sison sa kanilang pagpupulong sa Utrecht, the Netherlands noong ika-18 hanggang ika-20 ng Hunyo. Kinumpirma rin ito ng Malacañang.

Batay naman sa pahayag ng National Democractic Front, pinakinggan nila ang paliwanang ng government peace panel kung bakit ipinagpaliban ang nakatakda sanang june 28 peace talks at nagkasundo ang parehong panig na ipagpapatuloy ang peace negotiations.

At gaya ng administrasyong Duterte, magsasagawa rin ng consultation ang NDF at determinadong malagpasan ang mga balakid sa usapang pangkapayapaan.

Nanindigan naman ang Malacañang na determinado pa rin si Pangulong Duterte na makipagpayapaan sa makakaliwang grupo sa kabila ng pagkansela ng pamahalaan sa lahat ng pakikipag-usap sa communist rebels.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,