METRO MANILA – Wala pa ring napipili si Pangulong Rodrigo Duterte na hahalisi sa naiwang pwesto ni Dating Philippine National Police Chief Retired General Oscar Albayalde.
Ayon sa Pangulo, masusi niyang sinusuri kung sino ang susunod na karapat-dapat na mamuno sa pambansang pulisya.
Posible rin aniya siya na lang ang direktang mangasiwa sa Philippine National Police (PNP) kung wala talaga siyang makikitang katiwa-tiwala at walang bahid ng korupsyon.
“Ang akin, if they have even a single case of corruption, wala na, you’re out. I would rather not appoint anybody for that matter, ako na ang hahawak noon, I will be the one directing the guidance and direction lang naman ako”ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na mag-iingat siya sa pagpili ng susunod na hepe ng PNP.
Ito ay matapos na malagay sa kontrobersya ang kredibilidad ni Albayalde at iugnay sa operasyon ng mga tinatawag na ninja cop o mga tiwalang pulis, dahilan upang magbitiw ito sa pwesto bilang PNP Chief nang wala sa panahon. Dagdag pa ng Presidente, napakaraming dapat na i-improve sa PNP.
“But verily itong pulis maraming problema, pati generals nila kasali sa droga, yan ang ayaw ko diyan, pati generals, di lumabas yan hanggang di ako naging presidente” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Philippine National Police, PNP Chief, President Duterte