METRO MANILA – Natapos na ng technical working group ng Department Of Health (DOH) ang kanilang pag-aaral kaugnay ng recommended price cap para sa Covid-19 test.
Inirerekomenda ng DOH kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng executive order upang ipag-utos ang pagkakaroon ng price ceiling sa Covid-19 swab tests sa private hospitals at laboratories.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nasa lamesa na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon at hinihintay na lang ang desisyon ng punong ehekutibo kaugnay nito. Nabanggit naman ang posibilidad na maaprubahan ito ng presidente.
“Antayin po muna natin ang desisyon ng president, why is that? Kasi yung iba naman, napakataas ng sinisingil, alam naman natin, pwedeng mas mura yang testing na yan para mas maging affordable ang testing sa ating mga kababayan ng sa gayong paraan ay mas maraming matetesting” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Samantala, nag-alok naman ang project ark, isang private sector-led initiative, na magsagawa ng PCR testing sa mga bumabalik na Overseas Filipino Workers gayundin ang Philippine Airport Diagnostic Laboratory.
Ito ay habang hindi pa nakukumpleto ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bayad sa utang nito sa Philippine Red Cross.
“Ang mensahe po natin sa mga bumabalik na OFWs, wag po kayong mag-aaalala, hindi po maaaberya ang inyong PCR tests” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19