Pangulong Duterte, pinirmahan na ang executive order sa travel ban para sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | January 15, 2018 (Monday) | 3026

Bagaman wala pang opisyal na dokumento na inilalabas, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nilagdaan na niya ang isang executive order na magbabawal sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan na magbyahe sa labas ng bansa liban na kung makapagsumite ng kinauukulang dokumento bago ang nakatakdang pagbiyahe.

Tinutukoy ng punong ehekutibo ang nasa ilalim ng kanyang poder sa executive branch hanggang sa mga lokal na pamahalaan.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang dumalo ito sa 60th birthday celebration ni House Speaker Pantaleon Alvarez, Biyernes ng gabi sa Tagum City, Davao del Norte.

Muling tinuligsa nito ang mga opisyal ng pamahalaan na wala umanong pakundangan sa paggamit ng pondo ng pamahalaan at ikinakatwiran ang mga umano’y conferences abroad.

Una nang pinaalis sa pwesto ng pangulo ang mga opisyal na umano’y higit 12 beses nang nag-travel abroad.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,