Pangulong Duterte, pinigilan ang pagluluwag ng age restrictions sa MGCQ areas

by Erika Endraca | January 26, 2021 (Tuesday) | 1953

METRO MANILA – Bunsod ng pangamba sa bago at mas nakahahawang Coronavirus Variant, pinigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagluluwag ng age restrictions sa Modified General Community Quarantine areas (MGCQ).

Ibig sabihin, sa February 1, 2021, bawal pa ring lumabas ng bahay ang mga edad 10 hanggang 14 na taong gulang.

Noong nakalipas na Biyernes ng ianunsyo ng Inter-Agency Task Force kontra Covid-19 ang desisyong luwagan sana ang age restrictions sa mga lugar na nasa ilalim ng pinakamaluwag na quarantine classification sa bansa.

“Just to be sure and in our desire to protect our people, napilitan akong ireimpose yung 10 to 14, not at this time. It’s a sacrifice for the parents and for the children, it would limit their movements.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa punong ehekutibo, mananatili ang polisiyang ito hanggang makatiyak na ligtas na sa banta ng coronavirus disease ang lahat sa pamamagitan ng bakuna.

Humingi naman ng pang-unawa ang pangulo sa kaniyang naging desisyon.

“Pasensya na po kayo. Mine is just a precaution wala itong. Takot lang ako kasi itong bagong strain strikes the young children” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Muli namang umapela ang presidente sa publiko na sundin ang health at safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask sa gitna ng patuloy na pagtaas ng covid-19 cases sa bansa na umabot na sa higit 514 na libo.

Samantala, ngayong araw (Jan 26) magpupulong ang IATF Para sa kanilang recommendation kaugnay ng quarantine classifications na ipatutupad sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa kasalukuyan, nasa critical level na ang health care utilization rate sa Davao De Oro at Baguio City samantalang ang Nueva Viscaya at Aguzan Del Norte naman ay high-level na health care utilization rate.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,