Pangulong Duterte, pinayuhan si Paolo Duterte na dumalo sa Senate probe kaugnay ng drug smuggling sa BOC

by Radyo La Verdad | September 4, 2017 (Monday) | 1968

Dumalo sa pagdinig ng Senado ngunit huwag sasagot ng kahit anong tanong, ito ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anak na si Vice Mayor Paolo Duterte.

Kaugnay ito sa nais ni Sen. Antonio Trillanes IV na imbitahan ang bise alkalde sa pagdinig na ginagawa ng senado sa paglusot ng 6.4 billion pesos na shabu mula  sa China sa Bureau of Customs. Ito ay matapos na idawit ng customs broker na si Mark Taguba ang bise alkalde sa katiwalian sa BOC.

Ayon pa sa Pangulo, si Trillanes dapat ang maghanap ng mga sarili nitong ebidensya para sa kung ano man ang ibig nitong patunayan. Noon pa man ay pilit na umano siya nitong ibinabagsak sa pamamagitan ng paglalabas ng mga maling impormasyon tulad ng umano’y tagong yaman ng Pangulo.

Ayon pa sa Pangulo, dapat mag-invoke ng right to silence ang lahat ng mga iimbitahan sa pagdinig ng senado at huwag umanong matakot na  ma-cite in contempt dahil tutulungan niya ang mga ito.

 

(Janice Ingente / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,