Isang araw matapos ang filing ng candidacy ng mga nais tumakbo at pitong buwan bago ang 2019 midterm elections, nagbigay ng payo si Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga botanteng Pilipino.
Aniya, dapat maging matalino ang mga Pilipino sa kanilang mga iboboto. Una nang tiniyak ni Pangulong Duterte na magiging malinis ang darating na halalan at walang government financial resources sa pangangampanya lalo na sa mga administration candidates.
Tiniyak din ng Malacañang na gagawing istrikto ang pagpapatupad ng election laws at hindi papayagan ng pamahalaan ang offending practices laban sa kaninomang kandidato o grupo ng mga kandidato.
Kaalinsabay nito ay binanggit ng punong ehekutibo ang isa sa mga dahilan kung bakit tumakbo na rin sa darating na halalan sina dating Philippine National Police (PNP) at Bureau of Corrections (BuCor) Chief Ronald Bato Dela Rosa. Dating niyang top aide si Christopher “Bong” Go bilang senador at maging ang anak niyang si dating Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte bilang kinatawan sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ginagamit umano ng ilang mga pulitiko ang congressional hearings upang ipahiya ang ilang mga opisyal ng pamahalaan, partikular na tinukoy ng punong ehekutibo ang pangunahin nitong kritiko na si Senador Antonio Trillanes.
Karaniwang nagsasagawa ng congressional hearing upang imbestigahan ang mga kontrobersyal na isyu hinggil sa mga tanggapan ng pamahalaan, “in aid of legislation.”
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )