Matapos lumabas ang isyu tungkol sa kanyang kalusugan at umano’y pagka-comatose, ipinakita ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa maayos siyang kalagayan matapos dumalo sa League of Municipalities of the Philippines Visayas Island Cluster Conference sa Cebu City kahapon ng hapon.
Sa kanyang talumpati ay iba’t-ibang mga isyu ang tinalakay nito sa harap ng mahigit dalawang daang alkalde na dumalo sa okasyon. Isa na rito ang aniya’y hindi matapos-tapos na problema sa iligal na droga sa bansa partikular na sa Cebu na aniya maging ang pulis at opisyal ay sangkot.
Inatasan nito ang mga alkalde na agad ilapit sa Department of the Interior ang Local Government (DILG) o kaya’y idiretso sa kanya ang anomang drug problem sa kanilang nasasakupan.
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga ito na huwag masasangkot sa korupsyon at anomang iligal na aktibidad bagkus ay gawin ang trabaho at ipatupad ang batas sa kanilang saklaw.
Muli namang binigyang-diin ng Pangulo ang pagtutol nito sa pagpapatayo ng mga bagong casino sa bansa.
Una nang napaulat noong Lunes na tuloy ang groundbreaking ng isang bagong casino ngayong buwan sa southern part ng probinsya sa kabila ng mga nauna nang halt order ng Pangulo.
( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )
Tags: Cebu City, Pangulong Duterte