Pangulong Duterte, pinaiimbestigahan ang mga napaulat na aberya sa 30th SEA Games – Malacañang

by Erika Endraca | November 28, 2019 (Thursday) | 7788

METRO MANILA – Hindi na natutuwa si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naririnig nitong reklamo kaugnay ng pagsasagawa ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa bansa.

Kabilang na dito ang problema sa pagkain, akomodasyon at transportasyon ng mga atleta. Bukod pa ito mga ito sa mga napapaulat na di pa tapos na imprastraktura para sa international event na pormal nang bubuksan sa araw ng Sabado.

Ayon kay Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, pinaiimbestigahan na ng Punong Ehekutibo ang mga alegasyon ng katiwalian at incompetence. Ito ay matapos na i-validate ang mga naglalabasang ulat.

“Pinaiimbestigahan pa rin ng Pangulo kung anuman ang mga iregularidad at mga incompetence o corruption na nababalita sa dyaryo, kaya nga pinapa-validate”ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Dagdag pa ng palace official, kabilang sa mga posibleng imbestigahan ay si Speaker Alan Peter Cayetano na Chairperson ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Subalit, di na aniya kinakailangang ipatawag ito ng Pangulo at maaari ring magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Kongreso hinggil sa isyu.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,