Pangulong Duterte, personal na nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ng kalamidad sa Benguet

by Radyo La Verdad | September 18, 2018 (Tuesday) | 2926

Bumisita kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan ng Benguet upang tingnan ang naging pinsala ng Bagyong Ompong sa lalawigan at kumustahin ang kalagayan ng ating mga kababayang sinalanta ng kalamidad.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque bago tumungo sa briefing kaugnay ng naging pinsala ng Ompong sa probinsya, nakipagkita muna ang Pangulo sa 22 pamilya ng mga nasawi sa landslides sa La Trinidad.

Personal na ipinaabot ng Pangulo ang kanyang pakikiramay sa mga ito. Binigyan ni Pangulong Duterte ang bawat pamilya ng 25 libong pisong financial assistance at relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Makakasama din ang mga ito sa temporary livelihood program mula sa DSWD, DPWH at TESDA na para sa mga minerong maaapektuhan ng stoppage order ng small scale mining operation sa rehiyon.

Nagpasalamat ang mga pamilya ng mga nasawi sa tulong ng pamahalaan at umaasang magtutuloy-tuloy ang suporta sa kanila lalo na at pansamantalang mawawalan sila ng hanap-buhay dahil sa pagpapatigil sa mga minahan sa rehiyon.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,