Pangulong Duterte, pangungunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang ‘landport’ sa bansa ngayong araw

by Radyo La Verdad | November 5, 2018 (Monday) | 2344

Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng Parañaque Intergrated Terminal Exchange (PITX) na matatagpuan sa bahagi ng Coastal Road, Baclaran mamayang ala una ng hapon. Ito ang kauna-unahang landport sa southern area ng Metro Manila.

Sa pamamagitan ng PIXT, mas magiging mabilis at kumbinyente na ang pagbiyahe ng mga pasahero mula Metro Manila patungong Cavite at Batangas, gayundin ang pabalik.

Magsisilbi itong istasyon ng mga bus, UV Express van, taxi at mga jeep na bumibiyahe sa iba’t-ibang mga lugar sa Cavite, Batangas at Metro Manila. Kaya nitong makapagserbisyo sa halos dalawang daang libong mga pasahero kada araw.

Binansagan ito na landport dahil gaya ng airport, magkakaroon din ang PITX ng iba’t-ibang mga tindahan, restaurant at mga automated teller machine (ATM).

Tampok din dito ang naglalakihang mga comfort room, kung saan maari pang maligo ang mga pasahero na mula sa malayong biyahe.

Mayroong libreng wifi connection, malawak at malamig na waiting area at napapalilibutan din ito ng mga CCTV camera.

Ang PITX ay isang public private project na nakapaloob sa Build, Build, Build program ng Duterte administration.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,