Nakipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng bansang Vietnam at Papua New Guinea sa sidelines ng APEC Summit sa Vietnam at ilang bagay ang natalakay sa pagitan ng mga bansa.
Matapos magbigay ng key note address sa mga senior business executives kahapon sa APEC CEO Summit, nagkaroon ng magkasunod na bilateral meeting si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng bansang Vietnam at Papua New Guinea.
Sa pakikipag-usap ng punong ehekutibo kay Vietnamese President Tran Dai Quang, nangako itong palalayain ang mga Vietnamese fishermen na nahuli sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Matatandaang ilang Vietnamese poachers ang nahuli ng Philippine Navy sa karagatang sakop ng Pangasinan noong Setyembre at dalawang Vietnamese din ang napaslang sa sea chase.
Nangako naman ang Vietnam na magkakaloob ng 200 metric tons na bigas sa mga naapektuhang residente ng Marawi.
Samantala, nakausap din ni Pangulong Duterte si Papua New Guinea Prime Minister Peter o’ Neill. Ipinangako ng chief executive sa PNG ang ayuda ng bansa sa rice production sa pamamagitan ng International Research for Rice Institute o IRRI.
Hiniling naman ng Pilipinas na panatilihin ang bilang ng tons na ini-import na tuna mula sa PNG.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: mangingisdang Vietnamese, Pangulong Duterte, Pilipinas