Pangulong Duterte, nawalan ng tiwala kaya tinanggal sa pwesto ang Pangulo at CEO ng PNOC-Exploration Corp. – Malacañang

by Erika Endraca | October 16, 2019 (Wednesday) | 2591

METRO MANILA, Philippines – Nawalan ng tiwala si Pangulong Rodrigo Duterte sa Presidente at Chief Executive Officer ng Philippine National Oil Company- Exploration Corporation (PNOC-EC) na si Atty. Pedro Aquino Jr. Kaya pinagsumite ito ng resignation ayon sa Malacañang.

Batay sa pahayag ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ang order ng Pangulo ay naaayon pa rin sa anti-corruption campaign ng pamahalaan at binigyang-diin na walang sasantuhin sa
ilalim ng administrasyon.

Muling binigyang-diin ng palasyo na ang direktiba ng Pangulo sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan na magtrabaho ng naaayon sa batas at umiwas na gumawa ng anumang iregularidad at di ligal na maaaring ikaalis sa pwesto.

Walang ibang detalyeng inilabas ang Malacañang pero batay sa mga ulat, ang pagkakaalis sa pwesto ni Aquino ay nag-ugat dahil sa kasunduang pinasok nito sa isang russian firm na di dumaan sa pag-apruba ng board at wala ring approval ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: